Bilang supporter ng Greenpeace, ako’y nakatanggap nitong nakaraang Agosto ng isang email na pinamagatang ‘Janet, meet the volunteers you empower’. Nakapaloob dito ang paanyaya sa isang diskusyon tungkol sa volunteerism. Dahil Sa kagustuhang makilala ang mga volunteers sa likod ng mga kampanya, ako’y lumuwas upang dumalo at makilahok sa “Chikapehan” – ang serye ng talakayan ukol sa kalikasan na ginaganap sa tanggapan ng Greenpeace sa Quezon City.

Volunteers in action

Unti-unting nagdatingan ang mga volunteers: may babae at lalake, bata at matanda. Bagaman magkakakilala na sila at ako lamang ang bagong mukha ay naging mabuti naman ang pagtanggap nila sa akin. Hindi pa nga nagsisimula ang mismong talakayan, ngunit marami na akong natutunan mula sa mga bagong kakilala, bunga ng mga maliliit na kwentong kanilang ibinahagi.

Uminog nga ang talakayan sa buhay ng volunteers. Nabigyan ng pagkakataong makapagtanong ang bawat isa ukol sa pinagmumulan ng kani-kaniyang personal na ideya ng bolunterismo, mga karaniwang problemang kinakaharap ng isang volunteer, at kung ano ang nagtataguyod sa isang volunteer upang magpatuloy sa gitna ng mga pagsubok, mga pinaka-challenging na assignments, at iba pang kinakaharap.

Habang nakikinig sa bawat kuro-kuro, nasabi kong muli sa aking sarili na may pag-asa pa ang Pilipinas dahil may mga tao pang handang mag-alay ng kanilang oras at sarili sa dakilang layunin. May mga taong nagsisikap pa ring maipabuti ang kalagayan ng mundo sa kabila ng walang-katapusang tunggalian dito. Hindi madali, ngunit kinakaya nilang magpatuloy.

Nailatag sa maliit na espasyong aming inokupa nang araw na iyon ang katotohanan na higit pa ang kayang gawin ng bawa’t isa kung ang lahat ng ating lakas ay maipagsasama-sama. Walang layuning hindi kayang isulong ang pusong nabubuhay, hindi lamang para sa sarili, kundi para sa isang mithiing papakinabangan ng lahat.

Sa paglalim ng talakayan, masasabi kong pinatotohanan ng bawat isa ang linyang 'hindi lahat ay natulog sa gabi ng ating mga ninuno.' mula sa Noli Me Tangere ni Gat Jose Rizal. Sa panahon ngayon, sa pamamagitan ng kanilang buhay at pangarap, ay nakahanda ang mga taong may tapang at may pagnanais na harapin ang mga susunod na salinlahi nang walang pagsumbat, dahil patuloy pa rin ang mga ito sa pagsisikap na makapagbigay ng isang mas maayos na mundo.

Habang karamihan ay nahihimbing, may mga taong gising, naghahanda sa mga gawaing papaakyat ng bundok at papalaot sa karagatan. Habang ang iba ay komportable sa loob ng eskwaladong tanggapan, may mga taong patuloy na nakikibaka sa gubat at lansangan upang payapang maipagsulong ang karapatan ng bawat mamamayan. Sila ang lakas ng bawat kampanya, mga bayaning wala mang kapa ay nakalilipad kasama ng kanilang mga layunin.

Volunteers in action

Sila ang mga bayaning pinalakas ng paniniwala sa kabutihang kayang ibahagi; silang binuklod ng pagsasanib ng puso at sarili; silang patuloy na nagtatanong ng ‘ano ang magagawa ko?’ na kanila ring sinasasagot sa pamamagitan ng pagkilos sa bawat pangangailangang dumarating at sa kanilang pananatili hanggang sa resolusyon nito. 

Para sa mga bayani, ang gumawa para sa bayan ay isang pagtugon sa naghuhumiyaw na suliranin. Ito rin ang kanilang paghahain ng isang halimbawa, isang pagbubuo, isang pagpapagana ng lakas na taglay na ng bawa’t isa sa atin, isang pagtataya, isang pag-uugnay, isang pagbabago…  

Hindi ko makakalimutan na ito rin ay paghahanap ng katuwiran laban sa mga kabalintunaang umiiral sa lipunan. Kapag tunay ka sa iyong adhikain, patuloy kang gigisingin tungo sa pagtutuwid ng mga baluktot, sa patuloy na paghahanap ng kasagutan sa mga kaugnay pang mga suliranin. Hindi kailangang lumayo sa sarili, dahil madalas ay sarili ang siyang pinakamalapit na kalaban…at siya ring pinakamalapit na kakampi.  

Bilang pagtatapos, nais kong iwan ang binigkas ni Isagani nang bumisita siya kay Ginoong Pasta, isang abugadong pinakatanyag sa Maynila at siyang sanggunian ng mga prayle, batay sa ika-15 Kabanata ng El Filibusterismo:

“Kung ako po’y magkakaroon ng ubang katulad niyan,‘ ang sagot ni Isaganing malungkot din, ‘at pag inilingon ko ang aking paningin sa nakaraan at makita kong wala akong nagawa kundi ang para lamang sa sarili -- na hindi ko ginawa ang maaari at dapat kong gawin para sa bayang nagbigay sa akin ng lahat ng bagay, para sa mga mamamayang tumutulong sa aking kabuhayan -- ang bawat uban ay magiging tinik sa akin, at hindi ko sila ipagkakapuri, bagkus ay aking ikahihiya.’

Batid kong walang buhok na masasayang ni ubang ikahihiya ang mga taong patuloy na gumagawa at naghahangad ng mabuti at tama.

Ito ang mga bagay na natutunan ko sa pakikiisa sa Chikapehan. Isang hapon ng kwentuhan at kapehan na ang bida ay ang kabayanihan ng ordinaryong Pilipino na may extra-ordinaryong kwento ng pagmamalasakit sa kapwa, sa kalikasan, sa bayan at sa kinabukasang sa ating lahat ay naghihintay.

Volunteers in action

-------
Mga kuro-kuro bunga ng ‘Chikapehan: Walk the Talk series’, na ginanap noong Agosto, na siyang Buwan ng Pambansang Wika at Pambansang Bayani.