Nagsimula ako bilang Communications Campaigner ng Greenpeace nitong nakaraang Hunyo, at bilang rookie ng Comms Team, pakiramdam ko ay mas marami akong kailangang matutuhan kaysa patunayan. May ilang taon na din naman akong nagtatrabaho sa mga environmental NGOs, pero bago sa akin ang kampanyang nakatutok sa Climate Justice. Dati kasi ay mas babad ako sa Anti-mining at human rights na kampanya. Kahit hindi naman na bago sa akin ang ganitong larangan, mayroon pa ring pananabik sa akin na maging bahagi ng lumalawak na usapin para sa klima. Kumbaga sa pagkain, kailangan kong maging sinaing na tulingan na kahit pangatlong init, o naiprito na, o nagataan na. Dapat ay makapagtatawid pa rin sa kalam ng sikmura.

Approaching Brgy. Coring, Basilisa, Dinagat Islands © Karl Santos

Speaking of tulingan, isa siguro sa mga ginawa kong motibasyon ang kumain na lang din ng laman-dagat pagdating sa Dinagat Island (hindi ko rin naman kasalanan na may tákot akong bumiyahe sa karagatan). Hindi pa ako nakapupunta sa mismong mga isla ng Dinagat kayâ marahil ay nagpilosopo ang utak ko. Siyempre Dinagat, mukhang galing ang salita sa Dagat, at siyempre, madaming seafood sa dagat. A basta. Alam ko kasing magiging abalá, mabilis, at sunod-sunod ang mga gawain namin ng Comms Team pagdating pa lang namin sa Surigao del Norte. Pambawi ito, ‘ika ko, sa pagod at kaba lalo’t mabilis lang ang naging paghahanda namin at muli, first time ko nga sa Comms at Media work para sa Greenpeace. 

Matapos ang dalawang araw na pag-iikot sa mga radio stations sa Surigao del Norte, naglayag kami nung hápon ng Hulyo 14 patungo sa totoong destinasyon namin, at walang sinaing o ginataang tulingan na sumalubong sa akin sa Dinagat (spoil ko na kayo). Nakalimutan ko na rin naman yung katakawan ko na iyon habang nasa bangka mula nang unti-unti kong matanaw na nagiging dambuhala ang malinggit na islang sinisipat ko sa panganorin, noong naroon pa kami sa pampangin ng San Jose, ang munisipalidad na tinigilan namin bago pumunta sa Brgy. Coring. 

Midday scenery at Brgy. Coring, Basilisa, Dinagat Islands. © Karl Santos

Ilang minuto bago kami dumating sa kanilang daungan, nakikita ko na ang bukana ng kanilang komunidad: ang Brgy. Hall ng Coring, ilang bahay na nakaharap sa karagatan, mga kabataang nakaabang sa aming pagdating, at ang mga matatayog na puno ng niyog na halatang nagsisimula pa lang magkadahon at sanga muli, matapos ragasain ng bagyong Odette. 

Sa puntong ito, nahihilo ako dapat o umiiyak o nagsusumbong sa kasama ko, ng kung anong di-ko-naman-talaga-matukoy na kinatatakutan ko sa dagat, pero nakangiti akong tinatanaw ang pagkaway ng mga taga-Coring. Naisip ko tuloy bigla, mayroong mata ang mga bagyo, subalit wala ba silang puso upang hindi na lang nila puntiryahin ang ganitong mga maliliit na isla at komunidad? Pero hindi ko nga puwedeng sisihin ang bagyo o kalikasan; alam kong may mga dapat kaming panaguting malalaking korporasyon kayâ dapat pang paigtingin ang kampanya sa Hustisyang Pangklima.

Sakto ang pagdaong namin sa Coring bago dumilim. Para kaming inihatid lang ng natitirang silahis ng araw at mga yagit na alon sa kanilang dalampasigan. Magiliw kaming tinulungan ng mga taga-Coring na lumunsad sa aming sinasakyang bangka, at siyempre, masaya silang hinihintay ang pagdarapit-hápon. Sisimulan na kasi ang maiksing programa at ang pag-papailaw ng kanilang Gymnasium, kung saan unang ikakabit ang halos 4,800 Kwh na mga solar panels. Walang okasyon o pista sa isla ng hápon na iyon, subalit nagtipon-tipon sa Gymnasium ang mga taga-Coring: bata, matanda, ang mga nanay at tatay, pati na rin ang maliit na squad nina Casper at Lucky, dalawa sa pinaka-cute sa inaalagaang mga aso ng buong isla. 

Habang naghahanda kami ng mga gamit sa pagdo-dokumento ng programa, nakakapa ko sa isip ko, kahit hindi sabihin ng aking mga kasama, na nasasabik din sila makita ang pagliwanag ng Barangay. Naging mabilis lang ang programa ng mga kasama ko sa Greenpeace at ilang lider ng komunidad ng Coring. Tiyak maging sila ay nasasabik makisaya at makitang maliwanag ang bahaging iyon ng isla. 

Residents of Brgy. Coring carry solar panels to the community gymnasium. © Karl Santos

Parang Unboxing ng regalong Renewable Energy ni Haring Araw sa mga kaibig-ibig na mamamayan ng Coring for today’s video, ang nangyari kumbaga. May sasaglit na katahimikan bago ang countdown. Sabay-sabay bumibilang ang lahat, kahit ang mga nanonood sa gilid o mula sa bintana ng kanilang tahanan. 10, 9, 8, 7, 6, 5, 4, 3, 2…. 

Hindi ko na narinig pa ang one, dahil naghihiyawan ang lahat pagkabukas ng maraming bumbilya ng gymnasium! Nagtalunan ang mga bata. Pumalakpak at napasayaw ang mga matatanda. Nagkakitaán ng mga ngiti at galak sa kani-kaniyang mukha ang mga taga Coring. Mayroong isang lolo na nakausap ni Jun Sabayton, na nagsabi na tumanda na raw siya sa isla at nito lang niya nakitang ganoon kaliwanag ang lugar nila sa gabi. Bílang lumaki ako sa magulong lungsod ng Maynila, dapat ay hindi na ako nabibigla o namamangha sa mga ilaw ng bumbilya. Sukdulan pa nga, nakaramdam ako ng kaligayahan para sa mga tagaroon.

Greenpeace Campaigner Virginia Benosa-Llorin, Provincial Board Member Anna Lyn Dialde, Brgy. Chairperson Ernesto Dialde, and Greenpeace Southeast Asia Executive Director Yeb Saño lead the solar panel handover and lighting up ceremony. © Jilson Tiu / Greenpeace
Residents of Brgy. Coring, Dinagat Islands, with the support of Greenpeace and CORA Philippines, installed solar panels to power the lights in their gymnasium, where the community holds important activities.
© Jilson Tiu / Greenpeace

Pero, parang bumbilyang napundi rin agad ang pakiramdam ko na iyon. Dahil mayroong pisi na nakabuhol sa puso ko, nakapulupot sa ideyang “hindi ako dapat makaramdam ng kaluwalhatian sa pagtulong sa kapuwa.” Ito ay hangga’t may táo na kailangan ng túlong at nagiging biktima ng paniniil— gawa man ng sangkatauhan o ng imperpeksiyon ng uniberso at kapalaran.

Subalit, alam ko rin na kahit umiiral sa dibdib ko ang ganitong ideya sa pagtulong sa kapuwa, babalik at babalik pa rin ako sa mga natutuhan ko sa induction ni ate Vigie (Hi, ate Vigie hehe), ang aming Climate Justice Campaigner, kung bakit namin dapat pang paigtingin at isulong ang pangangampanya para sa tao at klima. Lagpas pa sa pag-akyat sa hagdan at pagbalanse sa mga bubungan para makapagkabit ng solar panels ang tunay na layunin ng Climate Justice. 

Capitol office of Dinagat Islands, roofless and devastated but still operating despite the damages, seven months after STY Odette hit the province. Residents cover the destroyed roofs with tarps. © Jilson Tiu / Greenpeace

Marapat na dumami pa ang komunidad na sasama sa kampanya upang igiit sa mga malalaking korporasyon at pamahalaan ang kanilang mga karapatang nalalagay sa bingit ng alanganin dahil sa epekto ng Climate Change. Sa puntong ito, kinatok ko ang aking dibdib, hinayaang tumuloy ang sarili dala-dala ang maliit na sulô, at muling pinagningas ang pithaya na sumama sa laban upang makamit ng daigdig at sangkatauhan ang hustisya.

Natapos ang gabi na tagaktak ang pawis namin habang kumakain at nagkukwentuhan. Di pa man kami nakaaalis ay iniimbita na nila kami na bumisita muli sa Coring sa darating na panahon. Siyempre, sino ba naman ang tatanggi sa kanilang paanyaya. Sinabi kong, “Babalik po ako dito para magbakasyon na lang, at hindi dahil sa nasalanta muli kayo ng bagyo. Sana ay may climate justice na sa pagbisita kong iyon.” 

Hindi ko na pinansin ang alinsangan ng hangin at tubig-álat ng gabing iyon. Alam kong walang tutumbas sa tagpong kasama kong naghahapunan ang mga taong itinatangi ko, kasalo sa mga sariwang inihaw at kinilaw na isda at iba pang lámang-dagat na hindi ko na nagawang kilalahin.


Photo of Karl Santos

Karl Isaac Santos is a Communications Campaigner at Greenpeace Philippines. He is also an active member of an organization of poets who writes in the Filipino language.