Ang buwan ng Agosto ay mahalaga sa pagkakakilanlan ng Pilipino. Una, ang Agosto ay Buwan ng Wikang Filipino, mangyaring ang wika ay isa sa mga pangunahing simbolo ng isang sambayanan. Samantala, ang huling Lunes ng buwan na ito’y itinakda para gunitain ang mga bayani ng ating bansa. Subalit ano na nga ba ang ibig sabihin ng salitang ‘bayani’ sa kasalukuyang panahon?
Una kong nakilala ang salitang ‘bayani’ noong ako’y nasa elementarya. Naaalala ba ninyo ang Sibika at Kultura? Dito, namulat tayo sa payak na depinisyon ng bayani. Sa kasaysayan, sila ang mga nagbuwis ng buhay at lumaban sa mga mananakop upang makamit ng Pilipinas ang kalayaan.
Kalaunan, lumawak ang aking pananaw sa kahulugan ng pagiging isang bayani. Huwag na tayong lumayo. Tingnan natin ang ating pamilya, lalo na ang ating mga magulang. Tingnan natin ang manggagawang Pilipino, halimbawa na lamang ay ang mga OFWs, magsasaka at mangingisda. Hindi ba’t maituturing din sila bilang mga Bayaning Pilipino? Nahihirapan man, sila’y patuloy pa rin dahil sa kanilang hangarin na makapagdulot ng magandang kinabukasan sa pamilya.
Hindi lahat tayo ay agarang matatawag na ‘bayani’ kung ang pagbabatayan ay ang mga unang nasambit na kahulugan. Ngunit lahat tayo, mula ngayon at sa mga susunod na panahon, ay maaaring maging bayani.
Ang mga Pilipino ay sadyang may malalim na pagpapahalaga sa makabuluhan at positibong pagbabago. Nasa kultura natin ang pagtutulungan o bayanihan upang makamit ang mga ito. Sa panahon ngayon, bayani ring maituturing ang mga Pilipino na pinagyayaman ang ating wika, ang mga Pilipino na tumatangkilik sa mga lokal na produkto, at ang mga Pilipino na may makatuwirang aksyon para sa ikabubuti ng bayan.
Ako’y sang-ayon sa tema ngayong taon na “Bawat Pilipino, Bayaning Katuwang sa Pagbabago.” Gayunpaman, hindi naman kailangan na magbuwis tayo ng buhay upang may maiambag sa ating bayan. Ang mga mamamayang Pilipino na nagnais at patuloy na magnanais ng patas at makatarungang mundo, ng maayos at payapang kapaligiran, at higit sa lahat ay may dalisay na pagmamahal sa bansa at malasakit sa kapwa, ay masasambit bilang tunay na Bayaning Pilipino.
Ngayong araw na ito, ating bigyang-pugay ang mga tunay na Bayaning Pilipino. Huwag tayong mag-alinlangan o matakot na maging isang bayani sa sarili nating paraan. Tayo’y may kakayahan para umpisahan, suportahan o magtulungan para makamit ang positibong pagbabago na nais natin sa ating bayan.
Diah Abida is the Communications Support Officer at Greenpeace Southeast Asia – Philippines. You may follow her on Twitter via @diahabida
Discussion
Napakahusay po nang inyong inilimbag!
Maligayang Bagong Pamumuhay sa pagpasok ng 2021. Bago at kalutasan sana matanghalan ang tungkulin. Nang inang Bayan. Aat Mahalin hangang sa loob ng puso at tunay na isipan ng Buhay na puso 'ng magulang ang dakilang Ama at Ina na Kulay ng Bughaw na Habagat sa Filipino.
Wow cool
The answer?
Thank you so informational
ohhhhh thats great
Ang ganda ng kwento kaso putol?