Halos patapos na ang programa ng grupong MANIBELA nang dumating ako sa Mendiola. Nag-martsa sila mula sa Welcome Rotonda patungo roon kung saan sinalubong sila ng makapal na hanay ng mga pulis. Hinarangan nila ang daan patungong Palasyo kaya walang nagawa ang grupo kundi iraos na lamang ang kanilang programa sa isang sulok ng kalsada. Ang bubungan ng isang nakaparadang jeep ang nagsilbi nilang entablado. Sa paligid, laksa-laksang mga tsuper at operator ng jeep ang taas-kamaong sabay-sabay na nanawagan: ibaba ang presyo ng langis, tanggalin ang excise at value added tax, at ibasura sa oil deregulation law alang-alang sa hinaharap na krisis ng bansa dulot ng patuloy na pagsidhi ng giyera sa Kanlurang Asya.

Sa tuwing dadalo ako sa mga kilos-protesta para magdokumento, hindi ko maiwasang mamangha sa pambihirang tapang ng mga nakakasama sa hanay. Silang mga magigiting na hawak-hawak ang trompa at matatas na isinisigaw ang mga panawagan ng marami; silang mga mahigpit ang kapit sa bitbit na balatengga at mga plakard; silang buong-buo ang loob na nakakuyom ang kamao at nakalantad ang katawan sa lansangan. Handa nilang lansagin ang mga balakid, maisulong lamang ang magkakakapit-bisig nilang pagmartsa.



Marahil, hindi nauunawan ng mas nakararami kung bakit nila ito ginagawa. Nariyan ang mga nakakotseng ibababa ang bintana upang sigawan ang mga nasa hanay na sila ay nakakaabala sa daloy ng trapiko. May ilang makakasalubong na iismid at pabulong na sasabihing wala namang katuturan ang mga ganitong gawain. Minsan, napapaisip din ako kung gano’n nga ba. Pero lagi’t lagi, mapagtatanto ko sa sarili na hindi gano’n. Dahil ang sinumang sumasama sa mga ganitong pagkilos ay may itinataya, may ibinubuwis.
Halimbawa, sa mga nagtigil-pasadang mga tsuper at operator ng jeep nitong mga nakaraang linggo, hindi ba’t napakalaking dagok sa kanilang pamilya ang ilang araw na pagkawala ng kita, lalo na sa kalagitnaan ng lumalalang krisis sa langis, na sinasabayan pa ng patindi rin nang patinding mga unos? Pero higit dito, ang totoong itinataya nila ay ang kanilang buhay, seguridad, kapanatagan, at mga pangarap para sa pamilya. At sa pagtatayang ito, nabubuo ang makabuluhang pagkilos na nakaangkla hindi lamang sa personal na mga kadahilanan kundi maging sa mas malawak na panawagan para sa isang makatarungan at makataong sistemang panlipunan.

Hindi hiwalay ang danas ng mga mga nagwewelgang manggagawa ng Kowloon House sa West Avenue, Quezon City sa danas ng mga nagprotestang tsuper at operator ng jeep sa Mendiola. Dahil sila rin at ang kanilang mga parokyano ay mga komyuter o di kaya ay mga kumukonsumo rin ng krudo para sa kanilang mga motorsiklo upang makapunta sa kanilang hanapbuhay. Sila rin ay apektado ng mga pagtaas ng mga bilihin at mga bayarin. Sila rin ay apektado ng di makatwirang giyera ng US-Israel sa Iran. Sila rin ay mga Pilipino, mga mamamayan ng bansang ito, kapwa namumuhay sa mundong ito.



Ngunit higit pa rito, ang nagdurugtong sa kanilang mga kuwento ay hindi lamang ang araw-araw na pagod at pagkayod, kundi ang mas malalim na ugat ng kanilang pagkakagapos: isang sistemang matagal nang nakasandig sa dikta ng iilan, partikular na ng mga politikong nananatiling nakatanghod sa kumpas ng mga dayuhang pinagsisilbihan nila tulad ng US. Sa bawat litrong krudo na patuloy na tumataas ang presyo, nakapaloob ang mahabang kasaysayan ng pagdepende ng ating bansa sa inaangkat na langis; isang pagdepende na hinubog ng mga patakarang pumapabor sa malalaking dayuhang korporasyon at sa pandaigdigang galaw ng merkado.

At sa gitna nito, naroon ang patuloy na umaasa ang ating bansa sa fossil fuel. Kung kaya habang umaandar ang makina ng jeep, habang patuloy ang produksiyon ng mga siopao, siomai, at mami, patuloy din tayong nakakabit sa isang sistemang hindi lamang mapagsamantala kundi mapanira. Dahil ang parehong krudo na nagpapagalaw sa ating ekonomiya ay siya ring nagpapainit sa mundong ating ginagalawan, nagpapalakas sa mga bagyong humahagupit sa ating mga komunidad, nagpapataas sa tubig-dagat na unti-unting lumalamon sa ating mga baybayin, at nagpapalala sa mga tagtuyot na kumikitil sa kabuhayan ng napakarami nating mga magsasaka.
Matagal nang alam ng mga dambuhala at ganid na fossil fuel corporations ang pinsalang dulot ng kanilang mga gawain sa pagkasira ng ating klima. Ngunit sa halip na ituwid ang kanilang gawi, mas pinili nilang palawigin ang pagdepende ng mundo sa kanilang produkto at pagkakitaan ang perwisyong dulot nito. Patuloy nilang pinopondohan ang kanilang mga mapanlinlang na greenwashing project at masigasig din sila sa paghadlang sa mga hakbang para makapagpatupad ng makabuluhang repormang may kinalaman sa kanila. Bukod dito, patuloy din sila sa paghahanap ng mga bagong lugar na maaari nilang bentahan ng kanilang produkto. Sa ganitong sistema, ang mga bansa, katulad ng Pilipinas, ay hindi lang gumagalaw bilang mga konsyumer kundi bilang mga bilanggo rin.
Kung gano’n, ang danas nating lahat bilang mamamayan ng bansang ito ay marahil hindi dulot ng magkakaibang problema. Marahil, sa kaibuturan ng karamihan sa mga ito, sila ay nagtatagpo sa mas malawak na trahedya ng ating panahon: ang krisis sa klima. Marami sa atin, bagaman hindi namamalayan, ang magkakasamang pinapasan ang bigat ng iisang sistemang sabay-sabay na pumupuksa sa tao at sa kalikasan. At sa bawat unos na dumarating, sa bawat pagtaas ng presyo ng langis, lalong lumilitaw kung sino ang may kapangyarihan at sino ang kailangang magtiis o dapat maiiwan upang sumalo ng pinsala.
Kung kaya, nawa’y huwag tayong mapagod ilahad ang mga palad ng may pag-unawa sa kapwa; at kung kinakailangan, ikuyom at itaas ito. Palawakin ang puso upang maipamalas ang kagitingan ng maalab na pag-ibig. Mahanap sana natin sa ating sarili ang lakas upang huwag tuluyang mawalan ng loob. Walang patid na paalingawngawin ang ating tinig sa bawat sulok at kurba ng mga panulukan at eskinita. Pawirin ang takot at tibayan ang dibdib na patuloy na manindigan para sa katarungan, karapatan, kapayapaan, at dignidad ng buhay.



Hindi ko na masyadong maalala kung paano nauwi rito ang usapan namin ng sinakyan kong motor pauwi, pero sa isang banda sinabi niya: hindi naman p’wedeng palagi kang nakaupo, pagkuwan, titindig at titindig ka rin. At marahil, iyon ang pinakabuod ng lahat ng aking nasaksihan na mga pagkilos ngayong araw. Sa kabila ng pagod, ng pangamba, at ng paulit-ulit na panggigipt, may sandaling darating na hindi na sapat ang manatiling tahimik.
Sapagkat sa huli, hangga’t hindi lubusang malaya ang bawat isa sa atin, mananatili ang mga ganitong pagkilos. At marahil din, may puwang na naghihintay para sa’yo rito.

Si Miguel Louie de Guzman ay mula sa munting bayan ng Santa Maria sa lalawigan ng Laguna, bagaman ngayon ay nakatira sa Lungsod Quezon. Siya ay isang Multimedia Content Specialist sa Greenpeace Philippines kung saan madalas siyang napapadala sa komunidad na malubhang apektado ng krisis sa klima. Kasalukuyan niyang tinatapos ang kanyang MA Creative Writing degree sa UP Diliman. Mahilig siyang maglakad-lakad.


