Commonwealth Avenue: kilala ang kalsadang ito bilang isa sa pinaka-delikadong kalsada sa Metro Manila para sa mga bikers, pedestrians, at pati na rin sa mga motorista.

Kapansin-pansin na sa bawat araw na lumilipas, patuloy na dumarami ang gumagamit ng bisikleta bilang transportasyon patungo sa kanilang mga trabaho, gayun din sa pag-uwi sa kani-kanilang mga tahanan at pamilya.  Dahil kakaunti ang mga sasakyan sa kalsada dahil sa ipinatutupad na community quarantine, mabilis ang takbo ng mga sasakyan na dumadaan dito. Hindi alintana ang posibilidad ng aksidente para sa mga siklista, lalo na sa gabi dahil maaaring hindi sila makita o mapansin ng mga sasakyan, lalo na kung wala silang suot na personal protective gear at reflectors.

Dito nagsimula ang ideya namin ng aking kasintahang si Geane na magkalap at mamahagi ng safety reflective vests para sa mga siklista, para sa kanilang kaligtasan.

Sa tulong ng ilang mga kaibigan na kasapi ng Oplan Hatid, at suporta ng iba pang mga kaibigan at kapamilya, naisakatuparan namin ang pamamahagi ng mga ito sa iba’t-ibang syudad, hindi lamang sa Commonwealth Avenue sa Quezon City.

Makalipas ang ilang buwan, nagsimula nang isailalim ang Metro Manila sa General Community Quarantine (GCQ), at maaari nang bumalik sa trabaho ang mga tao kasabay ng pagbukas ng mga estabilsyemento. Sa kabila nito ay nananatiling suspendido ang malaking porsyento ng pampublikong transportasyon.

Dahil dito, naisip ng mga kasamahan namin sa adbokasiya na darami pa ang gagamit ng bisikleta, kaya nagpasya ang grupo na gumawa ng hakbang upang mabigyang proteksyon ang mga siklista na bumabagtas sa kahabaan ng mga kalsada, lalung-lalo na sa Commonwealth Avenue.

Volunteers from Biker United Marshalls create temporary bike lanes and distribute reflective safety vests to cyclists along Commonwealth Avenue, Quezon City, on World Bicycle Day.
© Greenpeace / Grace Duran-Cabus

Ano ba ang wala sa ating komunidad upang maprotektahan ang mga siklista? Ang sagot dito ay halos lahat ng bahagi ng ating komunidad ay walang protected bike lanes.  Nagpasya ang grupo na maglagay ng tinatawag na pop-up bike lanes o temporary bike lanes gamit ang mga recycled 6-8 liters plastic bottles na pininturahan ng kulay orange upang madaling makita sa kalsada at hindi makapagdulot ng kahit anong klaseng aksidente sa mga motorista at mga siklista.  Kasabay nito ang pag-gabay sa kanila o ang tinatawag na marshalling upang maayos na maihiwalay ang mga siklista mula sa mga motorista sa pamamagitan ng temporary bike lanes.

Malinaw sa hangarin ng grupo ang urgent protection na kinakailangan ng mga siklista, gayun din upang mapakita sa lahat lalung-lalo na sa mga pinuno ng ating gobyerno, na kayang-kayang gawin ang protected bike lanes upang mabigyang seguridad at proteksyon ang mga ordinaryong Pilipino na ngayon ay gumagamit ng bisikleta, salungat sa napaka-tagal na nilang plano na hanggang sa panahon ngayon ay hindi parin maisakatuparan nang maayos. 

Sa unang araw ng paglalagay namin ng pop-up bike lanes, naitala sa aming Bike Monitoring Report na humigit-kumulang 3000 bikers ang tumatahak west-bound ng Commonwealth Avenue sa mga oras ng ika-anim hanggang ika-walo ng umaga lamang.  Dahil dito, nakita namin ang kahalagahan ng pop-up bike lanes na aming sinimulan.

Sa ikalawang araw ng aming activity, naglabas ng pahayag ang Metro Manila Development Authority (MMDA) na hindi ligtas ang aming ginagawa, at kami ay kanilang kakasuhan katuwang ang Philippine National Police (PNP), alinsunod sa mga iba pang pwedeng kaso na maisasampa laban sa amin.  Ang kanilang pahayag ay tunay na kabaliktaran ng aming ginagawa, dahil kanilang nabanggit na ito ay hindi ligtas dahil 1 liter plastic bottles lamang ang aming ginagamit, at ito ay basta basta na lang naming iniiwan sa kalsada.  Pawang walang katotohanan ang bawat pahayag na ito.

Dito nakapag-pasya ang grupo na manindigan para sa mga kapwa nating Pilipino na gumagamit ng bisikleta sa panahon ng pandemya na ipagpatuloy ang aming gawain, upang sila ay magabayan at maprotektahan sa lansangan.  Handa kaming harapin ang anumang kaso na isasampa sa amin kung ito ang magiging resulta ng aming ginawang hakbang, pati na rin dahil sa kawalan ng kakayahan ng ilang opisyal at liderato ng ating pamahalaan upang magkaroon ng protected bike lanes. 

Salungat sa pahayag ng MMDA, kami ay sinusuportahan ng mga ordinaryong Pilipino, pati na rin ng mga ibang opisyal ng pamahalaan tulad ng Senado at iba pang mga ahensya.  Sa tulong ng mga mamamayan, mas lumakas ang ating laban upang ipagpatuloy ang kapaki-pakinabang na gawaing ito, hanggang sa magbago ng isipan ang kagawaran ng MMDA at tuluyang makipagkasundo sa amin para mas lalong maisaayos ang lahat para sa seguridad at proteksyon ng ating mga kababayang siklista.

Simula  June 27 hanggang June 29, 2020, nagsagawa ang ilang mga grupo ng road-sharing exercise sa Commonwealth Avenue. 

Ngayon ay nakalatag sa kahabaan ng Commonwealth Avenue ang ating mga improvised plastic cone markers na gawa sa 6-8 liter plastic bottles kasama ang mga cones at barriers ng Department of Public Works and Highways (DPWH), katuwang ang Metro Manila Development Authority (MMDA), Department of Transportation (DOTR), Department of Health (DOH), Quezon City Local Government, at iba pang mga kawani at ahensya ng ating pamahalaan.

Tuloy-tuloy lang ang ating gawain at panawagan hanggang magkaroon tayo ng protected bike lanes sa ibat-ibang pangunahing kalsada sa buong bansa, at magkaroon tayo ng inclusive mobility and sustainable transport system para sa #BetterNormal na sitwasyon ng ating mga komunidad.  Patuloy na maglilingkod ang grupo para sa ating mga kapwa ordinaryong Pilipino dahil naniniwala kami na “doing nothing is more fatal.”

Simple lamang din ang aking personal na dahilan kung bakit ko ito pinaglalaban at kung bakit ko ito ginagawa; dahil nakita ko mismo ang hirap na dinaranas ng aking mga kapwa mamamayan at ang proteksyon na kanilang kinakailangan sa daan sa gitna ng pandemyang kinakaharap ng bawat isa.  It is not enough for us to just have a new normal due to this pandemic. Every Filipino deserves to have a #BetterNormal.

Lubos ang ating pasasalamat at paghanga sa mga taong nasa likod upang maisakatuparan ang lahat ng ito.

Si Ed Bautista ay isang volunteer ng Greenpeace at ng Bikers United Marshalls (BUM).