Video grab from Rico Ibarra / Greenpeace

QUEZON CITY, Philippines — Kapag sinabing “environmentally friendly” ang isang produkto, iniisip na mahal, sosyal, at pangmayaman ito nang marami. Pero ang isang negosyo, may sikreto kung bakit abot-kaya ang kanilang sustainable cleaning products — ang pagtanggal ng single-use plastic (SUP) mula sa produksyon.

Hulyo 2022 nang magsimula ang kwento ng Sabon Express, sa layuning mahikayat ang publikong gumamit ng boteng matatagpuan na sa kanilang bahay sa tuwing bibili ng sabong panlinis. Ani Mellany Zambrano, Chief Executive Officer (CEO) ng kumpanya, talamak kasi ang bentahan ng household cleaning materials sa plastic sachet at mga boteng itatapon lang din.

“Our campaign is towards [a] refill revolution,” sabi ni Mellany sa panayam ng Greenpeace Philippines. “So ‘yun ‘yung pangarap namin, na ‘yung mga Pilipino ay magiging responsable sa paggamit ng mga plastic na bote at mga lalagyan. Hindi ‘yung wala lang tayong pakialam na we are after convenience, na bumibili tayo, bumibili, kumukonsumo, at nagtatapon ng plastic.”

“So ang gusto natin is bumili tayo consciously, magkonsumo tayo at maging responsable tayo na hindi tayo makadagdag sa lumalalang plastic pollution.”

Video grab from Rico Ibarra / Greenpeace

“Sachet country” kung ituring ng ilan ang mga bansang Third World gaya ng Pilipinas. Aabot sa 164 milyong sachet ang ginagamit sa bansa araw-araw, bagay na naiipon sa mga landfill, kanal at karagatan. Ito ay dahil sa walang-tigil na produksyon ng SUPs ng mga malalaking korporasyon at kawalan ng batas para  rito. 

Marami rito’y pinaglagyan ng personal care (19%) o household cleaning products (17%). Hindi ito nabubulok at bumabara sa mga estero, bagay na nagpapalala sa baha tuwing may bagyo. Nadudurog lang ito hanggang sa maging microscopic. Pwede itong malanghap, mainom, o makain bilang “microplastic” na siyang nagdudulot ng pagkabaog at cancer.

‘Di gaya ng mararangyang bayan, limitado ang kakayahan ng mga Pinoy na bumili nang bultuhan. Dahil dito, pumatok ang konsepto ng “tingi” na siyang sinakyan ng mga dambuhalang kumpanya lalo na’t hindi ito mabigat sa bulsa. Nakapako kasi sa P645 kada araw ang minimum wage sa Metro Manila — ang pinakamataas sa buong Pilipinas — samantalang P1,205 kada araw ang kinakailangang kita ng pamilyang may limang miyembro para mabuhay nang disente.

Plastic packaging: salarin sa mahal na produkto?

Isa sa appeal ng plastic ay ang “mababang presyo” nito. Pero alam n’yo bang malaking bahagi ng binabayaran ng consumer sa mga produkto ay packaging?

Karaniwang 10% hanggang 40% ng kabuuang retail price ng iyong binibili ay dahil sa lalagyan nito. Gayunpaman, dedepende ito sa uri ng packaging material na ginamit, laki at bigat ng produkto, at production process. Ito’y nasa porma ng plastic na bote, galon, sticker labels, shrink plastics o sachet na madalas itinatapon matapos ang isang gamit.

Video grab from Rico Ibarra / Greenpeace

Sa pagtalikod ng Sabon Express sa SUPs at pag-engganyo sa customers magdala ng sariling bote at lalagyan, nagawa tuloy nilang makapaglabas ng produktong mas mura kaysa sa mga ibinebenta sa malls at supermarkets. 

“Every time na bumibili kayo ng inyong mga produkto na gumagamit ng mga single-use plastics… at itinatapon niyo, hindi lang kayo nakakadagdag sa polusyon kundi actually nagsasayang po kayo ng pera,” prangkahang pagbabahagi ni Mellany.

“Kami po as manufacturer, ito po ay tapat na sinasabi namin sa inyo. Kayo po actually ay nagsasayang ng minimum 30% to a maximum of 70% [ng presyo ng produkto] sa packaging na itinatapon ninyo… So, imagine ninyo po ‘yung mase-save po ninyo [oras na umiwas kayo rito] at imagine din po ninyo yung perang itinatapon ninyo every time po nagpa-patronize kayo yung single-use plastic.”

Sa halagang P20, makabibili ka na ng 400 milliliters na dishwashing liquid sa Sabon Express. Ang kailangan mo lang gawin, magdala ng sariling bote o lalagyang ire-refill. Malayo ang presyo nito kumpara sa mahigit-kumulang P100 halagang dishwashing liquid (355 ml sachet refill pack) na mabibili gaya ng kilalang brand na Joy.

Video grab from Rico Ibarra / Greenpeace

Ang Sabon Express ay isang case study ng University of Portsmouth sa United Kingdom bilang bahagi ng research at campaign nito sa pagbubuo ng isang Global Plastics Treaty. Una nang sinabi ni Mellany na naging katuwang nila ang Department of Science and Technology (DOST) sa pagtitimpla ng kanilang mga produkto.

Gayunpaman, aminado si Mellany na wala pang insentibo mula sa gobyerno para itulak ang mga negosyong maging plastic-free. Malaki raw sana ang magagawa ng pagpapababa ng buwis para mga negosyong gaya ng kanila para maeengganyo ang iba pa. Bukod pa rito, mainam daw kung mapapadali ang pagproproseso ng business permits atbp. dokumento.

‘Kulturang tingi’ pwede palang eco-friendly

Isa ang kulturang “tingi” ng mga Pilipino — o pagbili ng mga produkto sa maliitang sukat — sa isinisisi ng ilan sa pamamayagpag ng mga plastic sachet atbp. SUPs sa bansa. Pero alam n’yo bang environmentally-sustainable ang pinagmulan nito bago i-hijack ng mga korporasyon gamit ang mga plastic na pakete? 

Tradisyunal na nagdadala ng kani-kanilang mga bote, garapon at bayong ang mga Pinoy noon sa mga palengke at sari-sari store na siya nilang pinupuno ng produkto sa tuwing bibili. Ang “reuse and refill” practice na ito ang nais ibalik ng mga negosyo gaya ng Sabon Express, bagay na kanilang minomodernisa sa pamamagitan ng mga makabagong kagamitan.

Kaugnay nito, nagdisenyo sila ng mga agaw-pansing vendo machines para mapadali ang proseso ng refilling sa kanilang mga tindahan. Hindi inumin o pagkain ang iniluluwa nito kundi dishwashing liquid, fabric conditioner, liquid detergent at hand soap. Puwede itong sahurin gamit ang mga lalagyang dala ng customer kontra plastic pollution.

Tumatanggap ang kanilang mga makina ng P5, P10, at P20 barya.

Video grab from Rico Ibarra / Greenpeace

“Our dream is to be visible in all supermarkets, convenience stores, public markets, grocery stores,” patuloy ni Mellany. 

“Pangarap po namin na laging merong Sabon Express dispensing machines or vendo machines na makakapag-offer ng murang produkto para sa mga Pilipino, para sa mga consumers na magdadala ng sarili nilang [containers]… para mabigyan po ng pagkakataon ‘yung lahat ng Pilipino na makabili ng produkto na high quality pero very affordable.” 

‘Plastics Treaty’ at insentibo sa sustainable MSMEs

Bahagi ang Sabon Express, sampu ng iba pang progresibong negosyo, sa lumalawak na koalisyong Champions of Change. Layon nitong pagbuklurin ang mga Micro, Small and Medium Enterprises (MSME) atbp. negosyong lumalaban sa krisis ng SUPs. Nabuo ito sa inisyatiba ng Greenpeace International, Plastic Pollution Coalition and the Break Free From Plastic.  

Lumaki ang grupo sa hanay ng mga entrepreneur habang hindi pa rin napagkakaisahan ng mga kasapi ng United Nations ang isang Global Plastics Treaty. Itinutulak dito ng Greenpeace ang hindi bababa sa 75% na pagbabawas sa produksyon ng plastic kasabay ng SUP bans. 

Ayon kay Mellany, malaki ang maitutulong ng isang malakas na tratado sa pagsugpo ng plastic pollution para makapagbalangkas ng polisya ang mga bansang aayon at raratipika rito.

“A more concrete [example of this would be] sana… ma-incentivize ‘yung mga MSMEs na kagaya namin at magkaroon ng solid support ng government sa mga negosyo [na plastic-free],” paliwanag niya nang matanong kung ano ang nais niyang makita sa kasunduan.

Video grab from Rico Ibarra / Greenpeace

Dagdag pa niya, responsibilidad ng mga negosyong maging kampeon ng kalikasan upang matiyak na malinis at mapakikinabangan ito ng mga susunod na henerasyon. Aniya, walang “satellite Earth” na malilikasan ang mga tao kung saka-sakaling tumindi ang krisis.

Napipintong plantsahin ng huling pagpupulong ng Intergovernmental Negotiating Committee (INC) ang isang Global Plastics Treaty sa darating na 2025. Nananawagan ang Greenpeace Philippines sa UN member states na pagkaisahan ang isang tratadong magtitiyak ng karapatan sa kalusugan at ligtas na kapaligiran habang hinihikayat ang publikong suportahan ang mga negosyong tumatalikod sa plastic wala pa mang kasunduan. 

Pumirma rito para ipakita ang suporta.

###